Ipinagpaliban ngayong araw ng Senate Committee on Finance ang pagdinig sa 2023 budget ng Commission on Elections (COMELEC).
Dismayado si Senator Imee Marcos, Finance Committee Chairman, dahil sa kabiguan ng COMELEC na magsumite sa sub-committee ng hinihingi nilang mga mahahalagang dokumento.
Giit ni Marcos, sa limang ipinasusumiteng dokumento ay kahit isa ay walang naibigay ang COMELEC sa Senado kaya naman ipinagpaliban “until further notice” ang budget hearing ng ahensya.
Kabilang sa mga dokumento na hinihingi at ipinasusumite ng Finance subcommittee sa COMELEC ay ang P10 biliion na hirit na pondo para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa October 2023, performance ng OFW voting, update sa kompensasyon ng kanilang mga empleyado, mga isyung may kaugnayan sa Smartmatic at ang vote buying issue na nangyari nito lamang 2022 national elections.
Sinabi ni Marcos na mapapahiya ang komite dahil karamihan ng mga hinihinging requirements sa COMELEC ay base sa mga tanong ni Senate Minority Leader Koko Pimentel.
Kinatigan naman ni Pimentel ang pag-defer sa budget ng COMELEC lalo’t inaasahan sana nilang mga mambabatas na nakahanda ang ahensya hindi lamang sa mga figures at halaga ng pondo kundi pati na rin sa mga isyung may kaugnayan sa kanilang operasyon at mandato.
Paliwanag naman ni COMELEC Chairman George Erwin Garcia, may ilang opisyal ang bigong makapaghanda ng summary pero nakahanda naman sila sa lahat ng mga katanungang ibabato ng mga myembro ng panel.
Nangako naman si Garcia na ngayong hapon ay isusumite nila sa subcommittee ang mga hinihinging dokumento partikular ang computation sa October 2023 Barangay at SK elections at overseas voting.