Itinuloy pa rin ng Sandiganbayan ang pagdinig nito sa graft case ni dating Department of Science and Technology (DOST) Sec. William Padolina kaugnay ng maanomalyang car loan para sa mga empleyado ng Philippine Rice Research Institute (PhilRice).
Batay sa resolusyon ng 6th Division na may petsang March 28, nakasaad ang pagbasura ng anti-graft court sa mosyon ni Padolina na nagpapasuspinde sa paglakad ng kanyang kaso.
Ayon sa korte bigo ang dating kalihim na makapaghain ng temporary restraining order (TRO) o writ of preliminary injunction mula sa kanyang petisyon sa Korte Suprema.
Nakasaad din daw kasi sa naturang dokumento na maaaring lumakad ang graft case ni Padolino kapag walang nailabas na TRO ang Kataas-taasang Hukuman.
Giit ng anti-graft court hindi magdudulot ng kalituhan sa hatol ng Supreme Court para sa kanyang petisyon ang pagtuloy sa hearing ng kaso.
“Without any TRO or writ of preliminary injunction ordering this court to suspend from proceeding, the mere filing or pendency of the special civil actions for certiorari, mandamus and prohibition cannot interrupt the proceedings in this case.”
Nag-ugat ang graft case ng dating DOST chief matapos akusahan ng pakikipag-sabwatan kay dating Agriculture Sec. Arthur Yap at ilang PhilRice board members.
Ito’y kaugnay ng pagpabor umano ng mga ito sa 10-empleyado ng PhilRice na gawaran ng car plan.
Batay sa imbestigasyon, patuloy na nakatanggap ng transportation allowance ang mga benepisyaryo kahit ginawaran na sila ng sasakyan.
Hindi rin daw dumaan sa public bidding ang naturang car plan.