CAGAYAN DE ORO CITY – Hindi umano patitinag ang liderato ng Kamara sa impluwensiyang pulitikal mula sa alinmang partido o grupo sa oras na simulan nang himayin ang impeachment complaint laban kay Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen.
Ito ang pagtitiyak ni House Deputy Speaker at Cagayan de Oro 2nd District Rep. Rufus Rodriguez kaugnay sa kinakaharap na impeachable complaint ni Leonen na inihain ng Filipino League of Advocates for Good Governance-Maharlika na inendorso naman ni Ilocos Norte 2nd District Rep. Angelo Marcos-Barba.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Rodriguez na babatay sila sa merito ng reklamo at sa mga maaring ilahad na mga ebidensiya kung nararapat na ma-impeach si Leonen.
Inihayag ni Rodriguez na ayaw rin nila na maulit na ang “quo warranto” petition na nagpaalis kay dating Supreme Court Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Sinabi ng kongresista na ilalaban nila na huwag makialam ang ibang sangay ng gobyerno sa gagawing imbestigasyon katulad sa nangyari kay Sereno na biglang umeksena si Solicitor General Jose Calida at naghain ng quo warranto petition na dahilan kaya napatalsik ito sa katungkulan.
Dagdag ng mambabatas na nais nilang makita na mismong ang Senado ang duminig at magpatalsik kay Leonen kung sakaling makitaan ng probable cause ang inihain na reklamo.