Muling ipinagpaliban ang pagdinig sa kaso ni suspended Bureau of Corrections Director General Gerald Bantag kaugnay sa pagpatay sa mamamahayag na si Percy Lapid.
Ayon sa kapatid ni Percy Lapid na si Roy Mabasa, itinakda ang pagdinig sa araw ng Lunes Marso 18 subalit ito ay pinagpaliban.
Ipinaalam umano ito ng Las Piñas Clerk of Court matapos na hilingin ng State Prosecutors.
Matatandaan na noong Marso ng nakalipas na taon, kinasuhan ng prosecutors si Bantag at si dating Deputy Security officer Ricardo Zulueta sa 2 bilang ng kasong murder kaugnay sa pagpatay kay Lapid at umano’y middleman nito at inmate na si Jun Villamor.
Nakahanap din ang state prosecutors ng probable cause para i-indict ang self-confessed gunman na si Joel Escorial, ang magkapatid na sina Israel Dimaculangan at Edmon Dimaculangan, at isang nagngangalang Orlando sa kasong murder bilang principals by direct participation.
Tinukoy ni Escorial ang magkapatid na Dimaculangan at Orlando bilang kaniyang kasabwat.
Maalala na pinatay- baril si Lapid ng 2 suspek lulan ng motorsiklo gabi ng Oktubre 3, 2022 sa Las Pinas City.
Namatay naman ang itinuturong middleman sa krimen na si Villamor sa New Bilibid Prison noong Oktubre 18, 2023. Lumalabas sa isinagawang autopsy na ang ikinasawi nito ay asphyxia sa pamamagitan ng plastic bag suffocation.