Nagtakda ng panibagong petsa ang korte sa Estados Unidos para sa pagdinig sa mga kaso ni Kingdom of Jesus Christ founder Pastor Apollo Quiboloy sa Nobiyembre 5 sa susunod na taon.
Nakatakda sanang simulan ang proceedings o paglilitis sa Marso 19, 2024 para sa mga kasong kinakaharap ni Quiboloy kabilang ang conspiracy to engage in sex trafficking by force, coercion, and sex trafficking of children, marriage fraud, fraud and misuse of visas, bulk cash smuggling, promotional money laundering, at international promotional money laundering.
Subalit pinagbigyan ng US District Court for the Central District of California ang kahilingan ng kampo ni Quiboloy para sa karagdagan pang panahon para pag-aralang mabuti ang mga kaso upang epektibong matugunan umano ng kanilang legal team.
Ayon sa korte, ang naturang kaso ay hindi karaniwan at kumplikado dahil na rin sa nature ng prosekusyon at dami ng defendants kung kayat hindi aniya resonable na asahang makakapaghanda para sa pre-trial proceedings o sa pagdinig mismo sa loob ng naunang itinakdang petsa salig sa Speedy trial Act.
Sa kasalukuyan, nanantiling nasa wanted list ng Federal Bureau of Investigation (FBI) si Quiboloy at kaniyang associates na sina Teresita Dandan at Helen Panilag na kapwa din mga opisyal ng Kingdom of Jesus Christ.
Subalit, pinabulaanan ng kampo ni Quiboloy ang mga kasong ibinabato sa kaniya bilang outrageous grandstanding at pamumulitika lamang umano ng US government.