-- Advertisements --

Sinimulan na ang preliminary investigation ng Ombudsman sa kasong katiwalian laban kay dating Tiaong, Quezon Mayor Ramon Preza.

Ang kaso ay inihain ni incumbent Tiaong Vice Mayor Roderick Umali.

Ayon kay Umali, ginamit umano ni Preza ang kanyang kapangyarihan noong siya ay nanunungkulan pa bilang dating Alkalde para ma-reclassify ang isang ari-arian na nasa tatlong ektaryang lupain na pag-aari ng R.A. Preza Realty and Development Corporation.

Iginiit pa ni Umali na malinaw na may naganap na pagkiling at isang kaso ng conflict of interest ang nangyari.

Bagama’t dumalo sa preliminary investigation ang dating alkalde ay tumanggi naman itong magkomento sa kanyang kinakaharap na kaso.

Ang naturang imbestigasyon ay may kaugnayan sa kasong paglabag sa Republic Act 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at Republic Act 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees laban kay Preza.