Nagsimula nang dinggin sa korte ang patong-patong na kaso laban sa newspaper founder at Hongkong journalist na si Jimmy Lai. Matatandaan na noong Disyembre 2020 nang ikulong si Lai dahil sa paglabag umano nito sa national security law ng China at colonial-era sedition law.
Inihayag ni Lai na siya’y not guilty matapos basahin ang mga kaso laban sa kanya. Nagbanggit kasi ang prosekusyon ng 161 publications ng diyaryong Apple Daily kung saan nagtulak umano sa mga tao na mag-rebelyon laban sa gobyerno.
Sa kasagsagan ng mass protest noong 2019 sa Hongkong, isa si Lai sa mga sumuporta rito. Kaya naman inakusahan si Lai na mastermind ng mga kilos-protesta at kasabwat ng advocacy group na Stand With Hongkong Fight for Freedom dahil sa nagbigay umano ito ng pinansiyal na tulong sa nabanggit na grupo.
Para sa prosekusyon, ginamit umano nito ang pagmamay-aring midya para sa sarili nitong political agenda. Sa kasalukuyan, pinasara na ng gobyerno ang diyaryo ni Lai na Apple Daily.
Nanawagan naman ang US at UK sa agarang paglaya ng peryodista. Sakaling mahatulang guilty, habang-buhay nang makukulong ang 76-year old na si Lai.