Inilipat ng Los Angeles, California court ang schedule ng mga pagdinig sa patung-patong na kaso ni Kingdom of Jesus Christ leader Pastor Apollo Quiboloy.
Ang scheduling conflicts ng mga abogado ng KOJC sa kanilang ibang mga kaso sa Los Angeles ang nakalagay bilang exhibit o documentary evidence sa utos ng korte.
Kaugnay nito, inilipat ng District Court sa Central District ng California ang petsa ng paglilitis mula Nobyembre 5, 2024, sa Mayo 20, 2025, na ang pre-trial conference ay nakatakda sa Abril 7, 2025. Pinagbigyan ng korte ang kahilingan mula sa mga abogado ni Quiboloy at kanyang kapwa akusado upang matiyak na mabibigyan ng hustisya
Magpapatuloy naman ang status conference hearing mula October 21, 2024 hanggang April 7, 2025. Dito, dapat na maghain sa March 10, 2025 ang 2 partido ng motions in limine, isang mosyon na pinaguusapan nang wala ang presensiya ng jury para hilingin na hindi isama ang partikular na testimoniya para maiwasan ang prejudicial o irrelevant information na iprepresenta sa jury.
Habang sa oposisyon naman ay sa Marso 24, 2025 at ang mga tugon ay sa Marso 31, 2025.
Maliban kay Quiboloy, ang mga kapwa akusado nito na mga opisyal din ng KOJC sa California ay sina Guia Cabactulan, Marissa Duanes, Bettina Roces, Felina Salinas, at Amanda Estopare.
Kabilang sa mga kinakaharap nilang kaso ay conspiracy to engage in sex trafficking by force, fraud, and coercion; sex trafficking of children; marriage fraud; fraud and misuse of visas; bulk cash smuggling; promotional money laundering; concealment money laundering; at international promotional money laundering.