Inilipat ng US District Court for the Central District of California sa Los Angeles ang mga pagdinig sa plea agreement ng 2 inarestong administrators ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na sina Amanda Estopare at Guia Cabactulan.
Orihinal na itinakda ang petsa ng pagdinig kahapon, Nobiyembre 18 sa California subalit ito ay inilipat sa Disyembre 16 ng kasalukuyang taon sa hindi binanggit na dahilan.
May isa pang nakatakdang sentensiyahan na si Maria de Leon na isasagawa sana sa Enero 25, 2025 subalit inilipat sa Agosto 18, 2025.
Si De Leon ay hindi miyembro ng KOJC subalit nagsilbi siyang travel agent ng grupo na inakusahan sa pag-facilitate ng mga pekeng dokumento para tulungan ang KOJC members na magkaroon ng legal status sa Amerika.
Nakatakda ding basahan ng sentensiya si Marissa Duenas na isa ding KOJC administrator sa Pebrero 4, 2025 na nauna ng naghain ng guilty plea na tinanggap naman ng korte.
Si Duenas ay ang human resource manager para sa KOJC sa Van Nuys na nag-plead ng guilty sa conspiracy charge para i-defraud ang US kapalit ng mas mababang sentensiya.
Ang nabanggit na mga akusado ay nahaharap sa mga kasong may kinalaman sa umano’y conspiracy o sabwatan para sa immigration fraud sa US sa ngalan ng KOJC members.
Una na inaresto ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sina Cabactulan at Duenas sa KOJC office sa Van Nuys, California habang si Estopare naman ay inaresto sa Virginia noong 2020.