Dumulog sa Court of Appeals (CA) si dating Magdalo Rep. Gary Alejano at isa pa niyang kasamahan sa grupo na si Jonnell Sangalang na patigilin ang Department of Justice (DoJ) sa pagsasagawa ng pagdinig sa kasong sedition na isinampa laban sa kanila ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).
Sa kanilang Petition for Prohibition sa CA, iginiit nina Alejano at Sangalang na walang kapangyarihan ang DoJ na umakto sa kasong hindi maituturing na banta sa pambansang seguridad.
Hiniling din nila sa appelate court na pigilan ang Office of the Solicitor General (OSG) sa pag-akto nito bilang abogado ng PNP-CIDG.
Anila, base sa Administrative Code, maaari lamang magsilbing abogado ng gobyerno ang OSG kapag ang kaso ay nakasampa na sa Supreme Court (SC) o sa CA.
Malinaw aniyang ginagamit lamang ng gobyerno ang OSG at DoJ para i-bully ang mga kritiko ng administrasyon.
Bukod kina Alejano at Sangalang, kasama rin sa respondents sa mga reklamong sedition, cyber libel, libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice na inihain ng PNP-CIDG ang mahigit 30 iba pang nadadawit sa pagpapatalsik kay Pangulong Rodrigo Duterte sa ilalim ng “Project Sodoma” kabilang na si Vice President Leni Robredo.