-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Idineklara ng Malakanyang na special non-working holiday ang November 23 o araw ng Lunes sa lalawigan ng Benguet.

Nakasaad sa Proclamation No. 1046 na pirmado ni Executive Secretary Salvador Medialdea na sa pamamagitan nito ay mabibigyan ng pagkakataon ang mga mamamayan ng lalawigan na ipagdiriwang ang 120th Benguet Foundation Day.

Samantala, sinabi naman ni Governor Melchor Diclas na sisimulan ang simple at toned-down na selebrasyon ng Benguet Day ngayong taon sa pamamagitan ng mga panalangin at ritwal.

Susundan ito ng pananghalian at pagkilala sa mga nanalo sa beautification road projects ng lalawigan.

Isasagawa sa hapon ng Lunes ang “Lubon” na isang ritwal ng mga Kankana-ey.

Kakatayin ang isang lalaki at isang babaing baboy na susundan ng panalangin ng mga elders para sa kaligtasan ng mga mamamayan ng Benguet at sa hindi na pagkalat pa ng novel coronavirus.

Ani Gov. Diclas, hindi na ipagdiriwang pa ng Benguet ang sikat nitong Adivay Festival dahil sa kasalukuyang pandemya.