DAGUPAN CITY — Ipinagdiriwang ang Buwan ng Kasaysayan tuwing Agosto upang bigyang halaga ang mga makabuluhang kaganapan sa kasaysayan ng Pilipinas mula noong taong 2012.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Eufemio Agbayani, III, Historical Sites Development Officer II ng National Historical Commission of the Philippines, ibinahagi nito na napili ang Agosto bilang Buwan ng Kasaysayan dahil maraming pangyayari ang naganap sa naturang panahon sa bansa gaya na lamang ng pagbuo ng Himagsikan noong 1896, ang panahon kung kailan ipinanganak at namayapa ang dating Pangulo at Ama ng Wikang Filipino na si Manuel Luis Quezon y Molina, at ang pinakatampok na gunugunita tuwing buwan ng Agosto na National Heroes Day kung saan ay inaalala ang lahat ng mga bayani kung saan karamihan sa mga ito ay nagalay ng kanilang buhay upang makamit ang kalayaan ng bansa.
Pagsasaad pa nito na ang buwan ng Agosto ay punong puno ng mga anibersaryo na karapat dapat na gunitain mula sa mga panahon na ipinaglalaban ng Pilipinas ang kasarinlan nito laban sa mga manlulupig at gayon na rin sa iba pang mga pangyayari sa contemporary period.
Aniya na hindi lamang mahalaga sa paggunita ng Buwan ng Kasaysayan na mamemorya ang mga petsa, pangalan, at mga lugar subalit nagbibigay din ito ng panahon upang mapagaralan kung paano nalalaman ang kasaysayan, kung paano ito natutukoy, kung papaano ito sinasaliksik ng mga historyador, at kung papaano ito pinapalaganap.
Alinsunod na rin sa tema ngayong taon na “Pagpapalaya ng Kasaysayan para sa Sambayanan”, layunin ng naturang tanggapan na ilapit ang kasaysayan ng bansa sa mas maraming tao kung saan isa sa mga aktibidad ngayong buwan kaugnay nito ay ang pagkakaroon ng General Assembly patungkol sa naturang usapin.
Paliwanag pa nito na ang Buwan ng Kasaysayan ang nailipat lamang sa Agosto sa nakalipas na 11 taon na dati ay pinagdiriwang lamang na History Week, kaya naman ay hindi umano masisisi ang mga Pilipino kung hindi sila pamilyar sa nasabing obserbasyon.
Gayunpaman, ay kapansin-pansin na bagamat marami sa mga kabataan ngayon ang hindi pamilyar sa kasaysayan ng bansa ay nakakapagbigay naman ng pag-asa na marami sa mga aktibidad na ginagawa tuwing Buwan ng Kasaysayan ay pinangungunahan din ng mga kabataan na hinihikayat din ang kanilang mga kapwa na makiisa hindi lamang sa parte ng pananaliksik, subalit gayon na rin sa pagpapakalat ng impormasyon tungkol sa kasaysayan ng bansa gaya na lamang sa pamamagitan ng teknolohiya at mga espesyal na aktibidad.
Inaanyayahan naman nito ang lahat ng mga Pilipino, marami man ang alam o kahit na nagsisimula pa lamang sa pagtuklas ng mga mahahalagang kaganapan sa bansa, na makiisa sa pagdiriwang ng Buwan ng Kasaysayan hindi lamang sa mga pambansang bayani, subalit gayon na rin sa paghahanap ng isang indibidwal sa kanyang koneksyon sa mamamayan.