LAOAG CITY – Naging simple lang ang pagdiriwang ng ika-118 na kaarawan ni dating Gov. Roque B. Ablan Sr. sa Brgy. 20 sa Lungsod ng Laoag dito sa lalawigan ng Ilocos Norte na may temang “Unity in Diversity, Celebrating Our Roots and Global Contributions.”
Ang wreath-laying at pag-alay ng bulaklak ay isinagawa ng Philippine National Police sa Gov. Roque B. Ablan Sr. Shrine.
Bukod dito, binigyan din ng 21 Gun Salute si dating Gov. Ablan Sr. ng Philippine Marines.
Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ni Vice Gov. Cecilia Araneta Marcos, mga opisyal ng Pamahalaang Lungsod at iba pa kasama ang pamilya Ablan.
Ayon kay Department of Trade and Industry Assistant Secretary Kris Ablan, isa sa mga apo ni dating Gov. Ablan Sr., mahalagang ipagdiwang ang araw na ito dahil kailangan lamang na alalahanin ng mga Pilipino lalo na ng mga Ilokano ang kanyang kontribusyon at sakripisyo para hindi masakop ng mga Hapones ang bansa.
Aniya kailangan lang siyang kilalanin sa kanyang mga nagawa sa kanyang pakikipaglaban para sa bansa lalo na’t siya ay tinuturing na bayani noong World War II.
Samantala, sinabi ni Philippine Overseas Employment Administration Administrator Bernard Olalia, na kumatawan kay Department of Migrant Workers Sec. Hans Leo Cacdac, hindi matutumbasan ang kontribusyon ni dating Gov. Ablan Sr. sa kasaysayan ng bansa.
Nauna rito, idineklara ngayong araw na Special Non-Working Holiday sa buong lalawigan ng Ilocos Norte sa bisa ng Republic Act No. 6941 para gunitain ang buhay at mga nagawa ni dating Gov. Ablan Sr.