Walang naitalang mga “untoward incidents” ang Philippine National Police (PNP) sa kasagsagan ng pagdiriwang ng Pasko.
Ayon kay PNP Deputy Chief for Operations Lt. Gen. Israel Ephraim Dickson, kanilang pinalakas ang security operations para matiyak na maging maayos ang pagsalubong sa Pasko at asahan ito hanggang sa bisperas ng Bagong Taon.
Kasabay nito ay pinaalalahanan ng PNP ang lahat ng mga police commanders na istriktong obserbahan ang mga operational guidelines ng Oplan Ligtas Paskuhan 2021 at tiyakin na susunod pa rin sa minimum public health standard lalo na sa mga pampublikong lugar.
Ipinag-utos aniya ni PNP chief Gen. Dionardo Carlos ang “enhanced security operations” bago pa man sumapit ang Pasko at Bagong Taon kasama rito ang pinaigting na police visibility sa mga lugar na inaasahang dadayuhin tulad ng mga mall, simbahan, at iba pang pasyalan.
Nariyan din ang pagtatayo ng mga police assistance desks sa mga matataong lugar at pag-deploy ng road safety marshalls sa mga pangunahing daan patungo sa mga lalawigan.
Pinatututukan din ni PNP chief ang kampanya kontra sa iligal na paputok at droga.
Dagdag ni Dickson, nakahanda na ang Joint Task Force COVID (Coronavirus Disease 2019)-Shield sakaling tumaas ang kaso ng virus sa bansa.
Ayon sa heneral, nakalatag na ang security template ng PNP para sa pagpapatupad ng quarantine protocols.
At ngayong nasa mababa ang alert status ang bansa, ang mga police frontliner na nakadeploy sa mga quarantine control points ay nakatutok pa rin sa law enforcement operations.
Aminado naman si Dickson na malaking hamon sa PNP ang pandemya lalo at maski sila ay hindi ligtas sa kalabang hindi nakikita kaya mahalaga na mapangalagaan ang kalusugan ng bawat pulis upang epektibo nilang magampanan ang trabaho.
Apela naman ng heneral sa publiko na patuloy pa rin sundin ang minimum public health standard gaya ng pagsuot ng face mask, paghugas ng kamay at panatilihin ang physical distancing.
“Sa lahat po ng mga pulis, sa ngalan ng ating Chief PNP na si PGen. Dionardo Carlos binabati ko po kayo ng isang masayang Pasko at Manigong Bagong Taon. Sana lagi tayo maging healthy at hindi magkakasakit kasi during this time of the year ang mga pulis ay bawal magkasakit. Sa mga mamamayan naman po ang inyong kapulisan ay laging handa kayo ay maprotektahan,” ani Lt. Gen. Dickson.
Samantala, pinuri naman ng PNP chief ang mga kapulisan dahil sa kanilang dedikasyon sa trabaho at sakripisyo para mapanatili ang kapayapaan at kaayusan.
“I thank our hardworking men and women in the PNP for their dedication to work and the sacrifices that have to endure just to provide the public with quality service that they deserve,” pahayag ni Gen. Carlos.