CAGAYAN DE ORO CITY- Hindi dinukot subalit gawa-gawa lamang ng 17 anyos na mag-aaral na umano’y sapilitan itong ipinasakay sa pribadong sasakyan mula sa labas ng paaralan sa Maramag, Bukidnon at dinala sa Cagayan de Oro City.
Ito ang lumabas na resulta sa ginawa na imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa unang napaulat na dinukot ang mag-aaral na si Kyle Brent Asedilla na taga-bayan ng Kitaotao ng ilang kalalakihan mula sa Philippine Community College papunta nitong lungsod noong nakaraang linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Maramag Police Station commander Police Maj Gil Agpaoa na maraming ‘inconsistencies’ sa mga pahayag ng bata kaya tuluyan na nilang isinara ang imbestigasyon at nilinaw na walang kidnapping na nangyari.
Sinabi ni Agpaoa na sumama lamang pala sa mga barkada si Asedilla papunta sa Cagayan de Oro City taliwas sa mga naglabasan na mga ulat na nakatakas ito ang ilipat na sana sa ibang sasakyan para dalhin sa panibagong lugar.
Una nang inamin ni Agpaoa na nagdulot ng malaking alarma sa buong bayan ang kumalat na ulat na nadukot ang mag-aaral.
Katunayan,inaaral na rin ng PNP na maghahain ng kaso depende sa ibibigay na rekomendasyon ng piskalya kaugnay sa pangyayari.