Pinuna ng Commission on Human Rights (CHR) ang kaso ng pangingidnap ng umano’y New People’s Army (NPA) sa apat na sibilyan sa Bansud, Oriental Mindoro.
Iginiit ni CHR spokesperson Atty. Jacqueline de Guia na paglabag sa Saligang Batas ang ginawa ng mga akusado dahil karapatan ng bawat Pilipino na mamuhay ng malaya at malayo sa kapahamakan.
“Our Constitution, alongside other laws, guarantee our right to liberty and security of persons. We stress that any form of arbitrary, unlawful taking and confinement is punishable by law, much more so if eventually treated inhumanely and with cruelty,” ani De Guia.
Ipinunto rin nito na posibleng managot sa batas ang mga mapapatunayang nasa likod ng insidente.
“These acts must be pursued to the fullest extent of our laws and ensure that perpetrators be punished in the name of serving justice to all aggrieved.”
Batay sa ulat, apat na indibidwal, kabilang na ang isang barangay chairman at miyembro ng CAFGU Active Auxiliary ang kinidnap ng sinasabing NPA members noong Biyernes.
Nauna ng pinakawalan ang tatlo sa mga dinakip, habang pinaniniwalaang hawak pa ng mga akusado ang CAFGU member.