Ipinagpatuloy ang paggalugad ng mga awtoridad sa 10 ektaryang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) hub sa Porac, Pampanga matapos na makakuha ng panibagong search warrant nitong gabi ng Biyernes.
Ayon kay Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) USec. Gilbert Cruz, ang pokus ng kanilang paghahanap kaninang umaga ay para hanapin kung mayroon pang mga biktima ng kidnapping na kailangan pang sagipin sa loob ng compound.
Noong unang araw kasi na ni-raid ang naturang POGO hub, nagtakbuhan ang mga ito at iniwan ang mga naka-posas o bihag.
Una na ngang nakahanap ang mga awtoridad ng mga ebidensiya ng panonorture matapos na masagip ang nasugatang banyaga sa loob ng compound.
Kabilang dito ang isang Chinese national na lalaki na nakaposas sa isang bed frame na nagtamo ng mga galos at sugat sa kanyang katawan.
Iniulat din ng PAOCC na may isang babae na tinorture at ibinenta sa pamamagitan ng online bidding para sa sexual services sa loob ng compound.
Matatandaan na una nang sinalakay ang naturang compound na humantong sa pagkakaaresto ng 158 Chinese, Vietnamese at Malaysian nationals.
Samantala, sinabi ni Cruz na susunod nilang hahanapin ang mga nasa likod ng ilegal na operasyon.