Naniniwala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na makakatulong ang paggamit ng biofertilizers na pagaanin ang pasanin ng agriculture sector pagdating sa mga suliranin nito sa supply at mataas na presyo ng mga pataba sa bansa.
Sa naging pagpupulong kagabi ng pangulo kasama ang iba pang Agriculture officials ay sinabi nito na mapapababa ng paggamit ng biofertilizer ang dependence ng mga magsasaka sa mas mahal at imported petroleum-based fertilizers.
Ayon pa kay Pangulong Marcos Jr. na siya ring kasalukuyang namumuno sa Department of Agriculture, napatunayan na rin ng mga nauna nang isinagawang tests ang magandang dulot ng paggamit ng biofertilizers.
Kahit aniya nangangailangan ito ng kaunting gastos ay maaari pa rin itong mabawasan lalo na kung ito ay ipo-produce sa Pilipinas.
Ngunit sa kabila nito ay nilinaw ni Marcos Jr. na sa panibagong magiging hakbang na ito ng Agriculture department ay hindi pa rin mawawala ang paggamit ng urea at mga non-organic na pataba.
Matatandaang sa naging state visit ni Pangulong Marcos Jr. sa China nitong Enero ay nagawa niyang i-secure ang business agreements sa mga Chinese producers upang pababain ang presyo ng mga fertilizer sa Pilipinas na layuning matulungan ang mga lokal na magsasaka at tiyakin ang food security sa ating bansa.