-- Advertisements --

Nanindigan ang DOH na hindi pa inirerekomenda sa ngAyon ang paggamit ng booster shots ng COVID-19 vaccine dahil wala pang sapat na ebidensiya ng pangangailangan ng karagdagang dose ng covid vaccine.

Binigyang diin ni Health Usec. Maria Rosario Vergeire na hindi pa aniya mairerekomenda ang paggamit ng booster shots hanggang wala pang pinanghahawakan na kompletong ebidensiya at scientific basis na nagsasabing ligtas at epektibong gamitin ang booster shots.

Umapela naman si Vergeire sa publiko na magtiwala sa mga available na bakuna sa bansa dahil lumalabas sa real world studies na ang mga bakuna na ginagamit ngayon para sa vaccination drive ng gobyerno ay epektibo kontra sa symptomatic infections, pagkaospital at pagkamatay sa deadly virus.

Paliwanag naman ni Dr. Lulu Bravo, executive director of the Philippine Foundation for Vaccination na hindi pa sapat ang mga isinagawang pag-aaral sa COVID-19 vaccine booster shots.

Marami pa aniyang kailangang talakayin gaya na lamang ng availability ng mga bakuna dahil giit ni Bravo na wala pa sa kalahati ng populasyon sa bansa ang nababakunahan kontra COVID-19.

Kailangan din aniya na gumawa muna ng rekomendasyon ang FDA at dapat na pag-aralan muna ng vaccine experts at hindi ng manufacturer o business entity ang booster shots.

Nauna rito, sinabi ni Dr. Nina Gloriani, mula sa vaccine experts panel head na inaasahang ilalabas sa katapusan ng third quarter ng 2021 ang pag-aaral mula sa ibang bansa sa paggamit ng booster shots at mix and match ng bakuna.

Nauna nang inanunsiyo ng American pharmaceutical corporation na Pfizer-BioNtech na gumagawa ito ng booster shot ng kanilang bakuna na target na malabanan ang mas nakakahawang Delta variant na na-detect na rin sa mahigit 100 mga bansa.