Hinahabol pa rin ng kontrobersiya ang rematch ng dalawang kampeon na sina Japanese star Naoya Inoue at Nonito “The Filipino Flash” Donaire.
Ito ay matapos pumasa ang dalawa sa opisyal na pagtimbang kanina.
Si Inoue ay eksakto lamang sa 118-pound division limit, habang si Donaire ay mas magaan sa 117.8 pounds na timbang.
Bukas na ang inaabangang rematch ng magkaribal kung saan nakataya ang tatlong korona na WBC/WBA/IBF bantamweight title.
Ito ay unification bout na magaganap sa Saitama Super Arena sa Saitama, Japan.
Kanina sa harapan ng magkabilang panig, hindi nagkasundo ang kanilang mga kampo sa uri ng brand ng boxing gloves na gagamitin.
Galit na galit pa si Donaire dahil hindi nakaselyado raw ang gloves na gagamitin ng Japanese superstar.
Sa huli ay naayos din ang iringan sa gloves kung saan si Donaire ay aakyat ng ring gamit ang kulay na blue at orange gloves, habang ibang brand din si Inoue na kulang itim naman na gloves ang gagamitin.