KALIBO, Aklan – Pinabulaanan ng Department of Health (DOH) na makakaiwas sa pagkakaroon ng dengue sa pamamagitan nang pagsuot ng bracelet at paggamit ng insenso.
Sa isang pulong balitaan, sinabi ni DOH-Region VI head Dra. Maribel Bernabe na walang katiyakan ang paggamit ng bracelet na nangangakong makaiwas sa dengue.
Maaari naman aniyang magkasakit ang mga nakakalanghap ng usok mula sa ginagamit na insenso.
Binigyan-diin ni Bernabe na maiiwasan lamang ang pagkakaroon ng dengue kung malinis ang paligid upang walang umaaligid na lamok na may dalang nakakamatay na virus.
Pinayuhan din nito ang mga mamamayan na panatilihing magsuot ng damit na mahabang manggas, pajama o pantalon, upang maiwasan na makagat ng lamok na maaaring pagmulan ng sakit na dengue.