-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO – “Dapat lamang na magsuot ng faceshield at facemask ang lahat sa Kidapawan City.”

Ito ang sinabi ni City Mayor Joseph Evangelista matapos makapagtala ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Nakapaloob sa Executive Order number 070 na kanyang nilagdaan at ipinalabas noong September 12, 2020.

Lahat ng papasok sa lungsod at mga pampublikong lugar ay kinakailangang magsuot ng face shields.

Mahirap man itong gawin dahil marami ang hindi kumportable na pagsabaying suotin ang face mask at face shields, subalit ito ang nakikitang pamamaraan upang maiwasan pa ang pagkalat ng COVID-19 maliban pa sa mga pinaiiral na minimum health protocols.

Una ng ipinatupad ng face mask at face shields sa mga tsuper at pasahero ng mga tricycle ng Highway Patrol Group ng PNP.

Napagkasunduan sa meeting ng Health Cluster ng Task Force Covid19 noong isang linggo na isarado ang mga pampubliko at pribadong libingan.

Bukas lamang ang mga sementeryo kung may naka-schedule na magpapalibing ngunit kinakailangan pa rin ang limitadong bilang ng mga makikilibing maliban pa sa pagsusuot ng face mask at face shields at physical distancing.

Hinggil naman sa curfew, mananatiling alas-nuwebe ng gabi hanggang alas-singko ng umaga pa rin ang ipatutupad para maiwasang madagdagan ang kaso ng COVID-19, giit pa ng alkalde.

Posible rin na muling gagamitin ang mga dati ng na-isyu na colored quarantine at essential workers passes sa mga residente kung sakaling tumaas ang kaso kung kaya’t kinakailangan ang kooperasyon ng lahat sa mga panuntunan ng city government.

May nakahanda na ring 29 mga quarantine facilities sa mga pampublikong eskwelahan ang city government para malimitahan ang bilang ng posibleng mahawaan ng sakit.