BOMBO DAGUPAN — Nakakaalarma — ganito isinalarawan ni Prof. Mark Anthony Baliton ang June 17 attack ng China sa West Philippine Sea.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, ipinaliwanag ng Political Analyst na mas agresibo ang mga Tsino ngayon at gumagamit na sila ng dahas upang takutin ang mga Pililipino.
Aniya na lubhang nakakatakot na ito at kinakailangan na mag-ingat ng bansa dahil hindi natin alam kung ano ang susunod na maaaring mangyari.
Saad nito na bagamat diplomatiko at wala pa ring pagpapakita ng anumang porma ng opensiba ang bansa bilang tugon dito ay hindi dapat pababayaan na habang-buhay na lamang na makararanas ang mga Pilipino ng karahasan sa loob ng mismong teritoryo ng bansa.
Pagdidiin ni Prof. Baliton na hindi nararapat ang Pilipino na dumanas ng ganitong uri ng dahas at pangmamaliit mula sa ibang bansa lalo na ang nagpupumilit na agawin ang pagmamay-ari ng Pilipinas.
Dagdag nito na mas lalala pa ang karahasan ng China sa mga Pilipino sa West Philippine Sea, lalo na’t naglalayag na umano ang
‘monster’ warship ng China sa pinag-aagawang karagatan.
Giit nito na hindi rin dapat nagpapakampante si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. at ang kanyang administrasyon kaugnay sa nasabing usapin lalong lalo na sa sinusunod nitong foreign policies.
Aniya na kung magpapakita ng anumang takot ang bansa kaugnay sa mga insidente sa WPS ay lalo nitong papatunayan ang kaduwagan nito at kawalan ng kakayahan ng bansa na ipagtanggol ang soberanya nitong pag-aari.