-- Advertisements --

Isinusulong ng Anti-Red Tape Authority (ARTA) na gawing mandatory ang paggamit ng digital signatures sa lahat ng ahensya ng gobyerno, at local government units (LGUs).

Sa isinagawang Ease of Doing Business Summit, hinikayat ni Director General Jeremiah Belgica ang national government agencies at mga lokal na pamahalaan na mag-subscribe sa Philippine National Public Key Infrastructure (PNPKI) ng Department of Information and Communications (DICT) para mag-generate ng e-signature.

Maaari rin aniyang mag-accredit ang DICT ng digital signatures para sa mga pampribadong institusyon.

Ayon kay Belgica, binabalangkas na ng Commission on Audit (COA) ang circular na kikilala sa paggamit ng digital signatures sa lahat ng government transactions, gayundin ang pagkakaroon ng guidelines sa paggamit nito.

Bukod sa mandatory na paggamit ng e-signatures, itinutulak din umano ng ARTA ang unified online payment systems para sa lahat ng fee, contributions, at taxes sa lahat ng NGA at LGU.

“We have already initial talks and discussions with the concerned agencies, and we are proposing that the Land Bank of the Philippines as one of the government banks to be the payment aggregator of all of these payments,” saad ni Belgica.

Pinaplantsa na rin daw ng ARTA ang guidelines sa pagkakaroon ng electronic copies ng mga resibo. Ang paggamit umano ng e-signature at e-payment sa mga government transactions ay parte ng kampanya ng gobyerno sa automate services at processes sa mga pampublikong opisina.