Hinikayat ng Bureau of Immigration (BI) ang publiko na gumamit ng e-travel sa kani-kanilang mga pagbyahe ngayong ipinagdiriwang ng karamihan ang Semana Santa.
Sa inaasahang pagbuhos ng mga pasahero lalo na sa mga paliparan, inirerekomenda ng kawanihan ang paggamit nito partikular sa immigration process na pagdadaanan ng mga byahero.
Ayon mismo sa tagapagsalita ng Bureau of Immigration na si Spokesperson Dana Sandoval, ang e-travel raw ay makapagbibigay daan upang mas mapabilis ang guguguling oras sa pagbyahe ng mga paalis ng bansa.
Aniya, ito ang bagong bersyon na kanilang inilunsad na kung ikukumpara dati ay kinakailangan pang magsulat o mag-fill up ng forms para lamang sa proseso ng immigration.
Ngunit paglilinaw niya na ang e-travel ay hindi isang requirement lamang ng Immigration sa bansa bagkus pati na rin ng iba’t ibat border agencies.
Dagdag pa niya, may bago din raw sa Sistema ng e-travel kung saan mas pinadali umano ito dahil hindi na kailangan pang-ulit-ulitin ang pagfill-up ng forms sa tuwing babyahe.
Aniya, nase-save naman ito at tanging date o petsa lamang pati flight number ng eroplano ang kailangang baguhin.