Isinusulong ng Department of Science and Technology (DOST) ang paggamit ng e-vehicles ngayong panahon na walang humpay ang taas presyo sa petrolyo sa bansa.
Ayon kay DOST Usec. Renato Solidum Jr., sa panahon ngayon ay kailangan nang tangkilikin ng publiko ang paggamit ng e-vehicles.
Bukod dito ay isinusulong din ng kagawaran ang pag-aaral sa mga baterya na ginagamit sa pagpapaandar sa mga ito nang sa ganon ay magkaroon ng sariling supply ang bansa.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang na lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Electric Vehicle Industry Development bill na layuning palaguin pa ang e-vehicle industry sa Pilipinas at palawigin pa ang charging stations nito.
Samantala, nakasaad naman sa guidelines na inilabas ng Land Transportation Office (LTO) hinggil dito na tanging sa mga pribadong kalsada lang maaaring bumagtas ang mag personal mobility scooter, habang papayagan naman na bumagtas sa national roads ang mga e-motorcycles, e-tricycle, e-vehicles na may apat na gulong sa kondisyong kinakailangan na rehistrado sa LTO at lisensyado ang driver nito.