Dinepensa ng Palasyo ng Malakanyang ang paggamit ng “executive privilege” ng ilang top government officials na tumangging magbigay ng detalye kaugnay sa pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte ng International Police (Interpol) sa isinagawang pagdinig ng Senado.
Ayon kay Palace Press Officer Usec. Claire Castro, sa ilalim ng Saligang Batas may “executive privilege” ang Pangulo ng bansa at maging ang mga executive officials.
Layon nito na protektahan ang anumang sensitibong impormasyon na ihayag sa publiko.
Paliwanag ni Castro, kapag nag invoke ng executive privilege hindi ito ibig sabihin na itinatago ng gobyerno ang ilang mahahalagang impormasyon, lalo na kung ito ay may panghigimasok na sa isang branch ng ahensiya patungo sa isa pang ahensiya ng pamahalaan.
Paliwanag ni Castro may pagkakataon talaga na ang ilang mga mahahalagang isyu ay hindi dapat isinasapubliko lalo na kapag ito ay may kaugnayan sa security, diplomatic relations, military relations at internal deliberations sa Executive Branch.
Nanindigan ang Palasyo na walang itinatago ang gobyerno kaugnay sa pagkaka-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte na nahaharap sa kasong crime against humanity sa International Crimical Court (ICC).
Muling binigyang-diin ng Palasyo na may legal na basehan ang pag aresto sa dating Pangulo.
Sinabi ni Castro na opisyon lamang ni Senator Imee Marcos ang kaniyang sinabi na walang legal obligations ang Pilipinas sa pag aresto kay ex-PRRD.