-- Advertisements --

ROXAS CITY – Hindi mandatory ang paggamit ng face mask sa Germany sa kabila ng mga recorded cases ng coronavirus disease 2019 sa bansa.

Sa report ni Bombo International Correspondent Chris Maike, inihayag nito na gumagamit lamang ng face mask ang isang tao kung infected ito ng COVID-19 at para hindi makahawa sa iba.

Kung hindi mandatory ang paggamit ng face mask sa ilang bahagi ng Germany ay mahigpit naman ang pagpapatupad ng social/physical distancing at pinagbabawalan ang pagpunta sa pampublikong lugar.

Aminado itong pinagbabawalan sa ngayon ang pagbiyahe sa ibang estado ng Germany bilang bahagi ng preventive measures para hindi kumalat ang mikrobyo ng COVID-19 na hanggang sa ngayon ay wala pang gamot o bakuna.

May libreng sakay sa mga public transport katulad ng bus at train para hindi mahirapan ang publiko.

Itinuring rin na paglabag sa batas kung makikitang hindi sumusunod sa social distancing kung saan may magmumulta ng 250 euros ang masisita at maaresto.

Samantala magbubukas na rin ang ilang mga stores sa susunod na linggo na pansamantalang isinara dahil sa COVID-19 pandemic.

Ngunit mananatiling sarado ang mga paaralan hanggang hindi natatapos ang peligro na dala ng coronavirus disease 2019.