CENTRAL MINDANAO – Nagpaalala ngayon ang Regional Anti-crime Unit ng Region 12 sa mga netizens na naaaliw sa paggamit ng nauusong Face App.
Ayon kay Major Leo Dofelis ng Regional Anti-crime Unit, delikado umano ang naturang mobile application pagdating sa personal information ng isang user kung saan sa pag-install pa lang nito ay may security risk nang magaganap.
Ibig sabihin, sa pag-agree ng user ay ma-aaccess ng Face App ang lahat ng personal data nito tulad ng e-mail account, credit card at mga passwords ng ilang social media accounts.
Dagdag pa ni Dofelis, magiging daan rin ito para sa isang hacker, sa mga makukuhang impormasyon na maaaring magamit sa paggawa ng fake account at cyber crime.
Kaya nagpaalala ngayon ang naturang ahensiya na suriing mabuti ang terms and agreements ng gagamiting mobile apps upang maiwasan ang ganitong insidente dahil walang habol ang isang user kapag ito ay mabibiktima.
Ang Face App ay isang sikat at nauuusong mobile app ngayon kung saan mapapalitan ng isang user ang mukha sa isang larawan na magiging babae, lalaki, matanda at iba pa depende sa mapipiling option rito.