Ipinagbabawal na sa Myanmar ang paggamit ng social media application na Facebook ilang araw matapos magsagawa ng coup d’etat ang mga militar laban sa democratic government ng bansa.
Ayon sa mga opisyal ng militar, ang desisyon na ito ay upang makamit ng Myanmar ang “stability.”
Ang nasabing social media platform lamang ang natatanging access sa internet ng mga residente ng Myanmar.
Batay sa datos, kalahati ng 53 milyong mamamayan sa Myanmar ang gumagamit ng Facebook dahil libre lamang ang pag-upload ng pictures at videos.
Sa mga nakalipas na araw ay kabi-kabilang grupo ng mga aktibista ang gumagwa ng Facebook page upang makipag-ugnayan sa bawa’t isa hinggil sa coup d’etat.
Noong Lunes nang ikulong ng mga otoridad ang lider ng bansa na si Aung San Suu Kyi kasama ang ilan pang matataas na lider ng National League for Democracy (NLD) party.
Hinikayat naman ni UN Secretary General Antonio Guterres ang buong mundo na siguruhing hindi kailanman magtatagumpay ang coup d’etat ng mga militar sa Myanmar.
Nanawagan din ito na muling ibalik ang constitutional order sa Myanmar, o mas kilala rin bilang Burma. Umaasa aniya si Guterres na magkakaroon din ng pagkakaisa sa Security Council.
Nangako rin si Guterres na gagawin nito ang lahat para hikayatin din ang international community na i-pressure ang militar sa Myanmar upang hindi magtagumpay ang kanilang coup d’etat.
Ayon sa Ministry of Communications and Information, ang nasabing social media platform ay naka-block muna hanggang sa Pebrero 7.