Muling nagpaalala ang Social Communications Ministry ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga bagay na dapat paghandaan para sa darating na Lenten season.
Sinabi ni CBCP chair Bishop MArcelino Antonio MAralit Jr., na isang paraan upang panatilihin ang esensya ng panahon ng Kuwaresma, lalo na ang pagsasakripisyo at pagsisisi, ay ang pagbabawasan sa mga bagay na higit na hinahangad ng isang tao.
Aniya, kabilang dito ay ang pag-aalis ng paggamit ng mga gadget, electronic device, at access sa social media.
Ito aniya ay mahalaga upang magkaroon ang bawat isa ng oras upang makagawa ng mahahalagang bagay tulad na lamang ng pananalangin na isa raw na malaking bagay para sa espirituwal na paglago.
Sangayon din ito sa naging pahayag ng ni Pope Francis na ang teknolohiya umano ay nagiging sanhi ng pagkakabaha-bahagi, lalo na sa isang lipunan kung saan ang labis na kaalaman na kumakalat sa social media ay madalas na walang katotohanan.
Ayon pa kay Maralit, ang online information ay nagdudulot lamang ng kalituhan kung kaya’t dapat na maging maingat aniya ang bawat isa sa lahat ng mga nababasa at napapanood dito.
Kasabay nito, umapela siya sa mga magulang at nakatatanda na gabayan ang mga kabataan upang hindi sila mabiktima ng fake news.
Magugunita na una nang inilarawan ni Pope Francis ang internet bilang isang polluted environment dahil sa talamak na verbal violence, dahil sa mga offensive at nakakapinsalang mga salita.