Iniimbestigahan na ng Department of Education (DepEd) angumano’y paggamit ng iisang face mask ng mga mag-aaral sa ginanap na tila commencement exercise sa isang pampublikong paaralan sa Daet, Camarines Norte.
Sa isang pahayag, sinabi ng DepEd na naglunsad na sila ng fact-finding investigation na pangungunahan ng division investigation committee mula sa kanilang regional office sa Bicol.
Nakipag-ugnayan na rin daw ang ahensya sa mga local government units para sa ikareresolba ng isyu sa lalong madaling panahon.
“According to the report filed, the incident happened at Brgy. Dogongan, Daet, Camarines Norte last June 11, 2020. We take this matter seriously and will have a firm and rectifying action to prevent a further breach in the future,” saad ng DepEd.
Maliban sa gagawing imbestigasyon, pinasusumite rin ng DepEd ng written explanation ang kawaning sangkot sa insidente.
Samnatala, imo-monitor naman ng lokal na DepEd Covid-19 Task Force ang kalusugan ng mga dawit na mag-aaral.
“We have coordinated the case with the Barangay Health Response and Emergency Team and the local government unit in conducting initial precautionary measures and in resolving the incident at the soonest possible time,” anang kagawaran.
Kamakailan nang kumalat sa social media site na Facebook ang isang video kung saan makikita na gumagamit lamang ng iisang face mask ang mga estudyante habang kinukuhanan ng litrato.
Muling iginiit ng kagawaran na pansamantalang ipinagpapaliban ang mga graduation at moving up rites na nangangailangan ng face-to-face interaction.
Hinimok din ng DepEd ang mga paaralan at community learning centers na magsagawa ng mga virtual rites at iba pang mga alternatibong aktibidad.
“For schools that have yet to conduct the end of school year rites, school heads must submit to the Schools Division Superintendent for approval their proposed process for e-graduation rites (including logistics) before conducting the event. Meanwhile, activities that may require face-to-face interaction and allowed through DepEd and IATF guidelines may be conducted only if the necessary health and safety precautions are strictly complied with, subject to the guidelines set for the community quarantine classification of the locality,” dagdag ng DepEd.