-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Pinag-aaralan ng Sangguniang Bayan ng Malay ang panukalang paggamit ng mas mabilis at epektibong antigen tests para sa mga turista at mga residenteng papasok sa isla ng Boracay.

Ang antigen testing gamit ang direct nasal swab ay balak gawing pre-boarding requirement sa mga turistang papasok sa isla habang ang onsite testing ay para sa mga boatmen, manggagawa at mga residente.

Layunin nito na lalo pang mapaigting ang laban sa deadly virus at maiwasan ang pagkalat nito sa Boracay matapos na pormal na itong binuksan sa publiko.

Ayon kay LaBx Corporation chief operating officer Norman Bungubung sa kanyang pagdalo sa session, ang kanilang antigen test ay nagkakahalaga ng P2,300 at maaring malaman ang resulta sa loob ng 15 minuto.

Ito rin aniya ang kasalukuyang ginagamit ng House of Representatives, Philippine Basketball Association, Philippine Airlines, at mga lokal na pamahalaan ng Baguio, Bicol at sa Northern Luzon.