Hindi sang-ayon si House Speaker Alan Peter Cayetano na kailangan sa lahat ng oras ang paggamit ng body cameras ng mga operatiba sa tuwing maglulunsad ng anti-illegal drugs operations.
Ito ay matapos na igiit ni Vice President Leni Robredo na mahalaga ang paggamit ng body cameras upang mapanatili ang integridad ng mga operasyon kontra iligal na droga.
Sinabi ni Cayetano na kailangan munang mapag-aralan ng husto ang siyensya sa paggamit ng naturang kagamitan, at maisaalang-alang ang mga karanasan ng mga security agencies sa ibang bansa pagdating dito
“To a certain degree, mayroong mga cases na mayroon (ginagamit na body cameras), pero hindi tototoo na sa bawat operasyon ay mayroon noon. As I said kanina, may science diyan,” ani Cayetano.
Ayon kay Robredo, mas mapoprotektahan ang buhay ng mga operatiba mula sa mga kasong wala namang basehan sa pamamagitan nang paggamit ng body cameras.
Subalit hindi sang-ayon dito si Cayetano dahil may mga pagkakataon na lalo lamang aniyang mailalagay sa peligro ang buhay ng mga operatiba kapag gagamit pa ng body cameras.