CAUAYAN CITY – May mga nabigyan na ng warning habang may nagmulta dahil sa paglabag sa paggamit ng plastic sa pamilihang bayan ng San Mariano, Isabela.
Nahihirapan ang mga mamamayan dahil nasa adjustment stage pa lamang sila sa pagbabawal ng paggamit ng plastic sa nasabing bayan.
Halos isang buwan ng ipinapatupad ang ordinansa sa nasabing bayan.
Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan sa mga kasapi ng meat vendors association ng San Mariano, sinabi nila na nahihirapan din silang mag-adjust sa ngayon.
Wala umano silang magagawa kundi sumunod sa ordinansa dahil kung hindi ay magmumulta sila o di kaya naman ay maaring makansela ang kanilang mga business permit.
Inihayag naman ni Joel Ignacio, pangulo ng Fish Vendor Association na kailangan nilang sumunod sa ipinapatupad na ordinansa ng lokal na pamahalaan.
Ipinapaliwanag din nila sa mga mamimili na nagrereklamo tungkol sa nasabing ordinansa at hinihikayat na lamang silang bumili ng eco-bag o kaya ay magdala sila ng sarili nilang basket o bayong.
Inamin naman ni Gng. Medy Lamug, pangulo ng Vegetable section na nakapag adjust na sila sa ngayon at hindi gaya noong una na hirap sila sa paggamit ng mga supot na papel.
Nagpasalamat din si market supervisor Charlito Ani sa pakikipagtulungan ng mga mamamayan ng San Mariano sa pagpapatupad ng nasabing ordinansa.