-- Advertisements --

Sisikapin umano ng Department of Education (DepEd) na i-discourage ang mga estudyanteng may smartphones at electronic gadgets na gumamit ng printed self-learning modules sa susunod na mga grading period.

Paliwanag ni DepEd Usec. Diosdado San Antonio, para sa uang quarter ng school year, sinubukan nilang sundin ang learning preference ng mga estudyante, na printed self-learning modules.

“Sa first quarter, sinubok natin na tugunan ‘yung mga preferences ng mga pamilya kaya popular ‘yung printed self-learning modules,” wika ni San Antonio.

“Pero, ang pinu-push din natin na sa mga susunod na quarters, susubukin natin na kung ‘yung mga pamilya ay may mga gadgets, ay idi-discourage natin na kumuha ng printed self-learning modules,” dagdag nito

Pero ayon sa opisyal, mas malaki umano ang mababawas sa requirement para sa printed modules dahil bababa sa 6-milyon ang demand mula sa nasa 13-milyon.

“Hopefully sa mag susunod na pasukan, yung may mga smartphone at gadgets ay ie-encourage na natin na yung digital format na para hindi masyadong marami ang pangangailangan sa mga papel so this would mean mga 6 million learners na lang, iva-validate natin ito,” anang opisyal.

Una nang sinabi ng kagawaran na may posibilidad na maghati-hati ang mga estudyante sa self-learning modules dahil sa kakulangan ng pondo para sa produksyon ng materyales.

Magkakaroon din daw ng rotational basis sa mga modules sa ibang subjects, ngunit kailangan muna itong ma-disinfect bago ibigay sa mga susunod na gagamit.