CAUAYAN CITY – Pinayuhan ng PAGASA na gumamit ng proteksiyon sa mga mata ang mga nais saksihan ang magaganap na annular solar eclipse ngayong araw ng Linggo.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chief Meteorologist Ramil Tuppil ng PAGASA-DOST Echague na ngayong araw ay makakaranas ang bansa ng annular solar eclipse kung saan magsisimula sa area ng Itbayat, Batanes ganap na alas-2:54 ng hapon ang partial eclipse.
Magtatapos ang partial eclipse alas-3:15 ng hapon.
Ayon kay Tuppil, mararanasan ang annular solar eclipse kapag ang buwan ay nasa pagitan ng araw at mundo.
Ang araw ay makikita sa pamamagitan ng annular solar eclipse ngunit partial lamang ang makikita.
Nasa 91% na makikita ang annular eclipse sa bahagi ng Itbayat habang sa Lungsod ng Tuguegarao, Cagayan ay 80%.
Nagpaalala naman si Tuppil na huwag direktang titigan ang araw dahil maaaring makasira sa mata.
Maaari aniyang gumamit ng sunglasses o hindi kaya ay tubig na nakalagay sa planggana na nakatapat sa araw sa panonood ng pambihirang astronomical event.