-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Nakatakdang palawakin ang paperless transaction sa mga major border checkpoints papasok ng Baguio City.

Ito’y sa pamamagitan ng “QR code” na una nang ipinatupad sa mga turistang nakapasok na sa lungsod.

Sakop ng bagong alituntunin ang mga returning Baguio residents, gayundin ang mga pauwing Overseas Filipino Workers, at mga may mahalagang transaksyon sa Baguio City.

Ayon sa Baguio-local government unit, kailangan munang magparehistro sa online ang mga papasok ng Baguio at doon ia-upload ang mga kinakailangang documentary requirement.

Kabilang dito ang medical certificate, valid government issued identification (ID), at negatibong resulta ng Coronavirus Disease (COVID) test, 30 na araw bago ang nakatakdang pagbiyahe patungo ng Baguio.

Mabibigyan ang mga ito ng QR code na siyang gagamitin nila sa border checkpoint sakaling maaprubahan ang lahat ng mga dokumento ng mga ito.

Mahigpit namang iniinspeksyon ng mga pulis ang ID ng mga papasok ng lungsod na lulan ng mga pribado at pampublikong sasakyan para makita kung totoong residente ang mga ito ng Metro Baguio o BLISTT area.

Layunin nito na masiguro na ang mga pumapasok ng Baguio ay ang mga pinapayagang indibidwal o sa Ingles, yaon authorized person outside residence.

Sa ngayon, nakabili na ang city government ng scanners na ipapamahagi sa mga pulis na nakabantay sa mga border checkpoints ng lungsod.