Binigyang-diin ni Senador Lito Lapid na malaki ang maitutulong ng paggamit ng renewable energy sources sa nararanasang brownouts sa iba’t ibang panig ng bansa.
Sa gitna nang matinding init ng panahon, sinabi ni Lapid na maaaring ipunin ang sikat ng araw sa pamamagitan ng solar panels na syang magiging suplay sa power grid sa isang bayan o lalawigan.
Kung tutuusin aniya ay maswerte pa ang bansa dahil sa sagana sa sikat ng araw.
Kailangan lamang aniya na mas maraming mag-invest na mga pribadong kumpanya sa solar industry para makatugon sa kakapusan ng suplay ng kuryente.
Ipinaalala din ng Senador na kung walang suplay ng kuryente, walang negosyo, walang trabaho at walang kita ang mga Pilipino kaya naman mahalaga ang sapat na suplay ng enerhiya para sa katatagan at kaunlaran ng bansa.
Kasabay nito, nagpahayag naman ng suporta si Lapid sa mga hakbanging nais ipatupad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr para tugunan ang kakapusan ng suplay ng enerhiya sa iba’t ibang lugar sa bansa.