-- Advertisements --

Mahigpit ng ipagbawal ni Philippine National Police (PNP) chief police director Gen. Oscar Albayalde sa mga pulis ang paggamit ng salitang “tambay.”

Ito ay lalo na kung ang inaaresto nila ay ang mga lumalabag sa mga local ordinances.

Sa halip aniya na salitang tambay, gamitin na lamang ang term na “violators” ng mga municipal at city ordinances.

Ginawa ni Albayalde ang desisyon kasunod ng kontrobersyal na pagkamatay ng inmate na si alyas Tisoy habang nakakulong sa Station 4 ng Quezon City Police District (QCPD).

Ikinalungkot ng PNP ang pagkamatay ni Genesis Argoncillo na isang “tragic and unfortunate incident.”

Tiniyak ni Albayalde sa pamilya ni Tisoy na lahat ng tulong na maari nilang ibigay sa pamilya ni Tisoy ay kanilang ipagkakaloob.

Inihayag naman nito na walang mis-interpretation sa naging direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa pagdakip sa mga lumalabag sa mga local ordinances.

Pinasinungalingan ni Albayalde na ang mga pakalat-kalat lang sa kalye na walang nilalabag na mga ordinansa ang target.

Pagtiyak nito na lahat ng aksiyon ng mga pulis ay naaayon sa police operational procedure at hindi ititigil ang kanilang kampanya laban sa mga lumalabag sa mga ordinansa sa pakakikipagtulungan ng mga barangay officials.

Layon kasi ng PNP na supilin ang krimen sa lansangan, mapabuti ang pakiramdam ng mga mamamayan patungkol sa kanilang seguridad at kaligtasan.