Inanunsyo ng gobyerno ng India na ipinagbabawal na sa bansa ang 59 applications na inilabas ng mga kumpanya mula China dahil sa mas lumalalang tensyon sa pagitan ng dalawang bansa.
Maaari raw kasing magresulta sa “theft of user data” at pagkalat ng impormasyon sa mga servers sa labas ng nasabing bansa. Posible rin daw itong magdulot ng banta sa soberanya at privacy ng India.
Kasama na rito ang nauuso ngayong video-sharing app na Tiktok kung saa halos 200 milyong katao sa buong India ang gumagamit.
Ang hakbang na ito ay ginawa matapos magkaroon ng tensyon sa pagitan ng India at China dahil sa nangyaring girian sa kanilang tropa-militar noong Hunyo 15.
Kapwa umaasa ang dalawang bansa na maaayos pa ang isyu sa pamamagitan ng pag-uusap ngunit hindi pa rin sila tumitigil na sisihin ang bawat isa.