Ngayong mandato na ng batas na hindi ipagpapatuloy ang paggamit ng mother tongue bilang medium of instruction o wika ng pagtuturo, hinikayat ni Senador Sherwin Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyakin ang agaran at epektibong pagpapatupad nito.
Nakasaad sa Republic Act No. 12027 na hindi na ipagpapatuloy ang paggamit ng mother tongue bilang wika sa pagtuturo mula Kindergarten hanggang Grade 3, bagay na iminandato ng Enhanced Basic Education Act of Enhanced Basic Education Act of 2013 (Republic Act No. 10533) o ang K to 12 Law.
Babalik ang wika sa pagtuturo sa Filipino at Ingles, maliban na lang kung may ibang itatakda sa batas. Naaayon ito sa Article XIV, Section 7 ng 1987 Constitution. Gagamitin naman ang mga wika ng mga rehiyon bilang auxiliary media of instruction o mga katuwang na wika sa pagtuturo.
Maaari pa rin namang ipatupad sa mga monolingual classes ang mga prinsipyo ng Mother Tongue-Based Multilingual Education (MTB-MLE) na nakasaad sa K to 12 Law. Ang monolingual class ay isang pangkat ng mga mag-aaral na gumagamit ng isang mother tongue at naka-enroll sa isang grade level sa isang school year.
Sa isang pag-aaral na isinagawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) noong 2019, 9% lamang sa 16,287 na paaralang na-survey ang nakasunod sa mga kondisyong ito para sa pagpapatupad ng MTB-MLE.