LEGAZPI CITY – Aminado ang Land Transportation Office (LTO) Legazpi Branch na wala pa silang sapat na ideya sa magiging disenyo ng bagong plaka para sa mga motorsiklo sa ilalim ng Motorcycle Crime Prevention Act na kilala rin bilang Doble Plaka Law.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay LTO Legazpi chief Grace Rojas, hinihintay na lang ng tanggapan ang ibababang Implementing Rules and Regulations (IRR) na siyang makakapagdikta kung talagang metal ang gagamitin at kung gaano ito kalaki.
Kumpiyansa rin ang opisyal na magiging madali lamang ang pag-produce ng plaka lalo na at may kagamitan na rin sa central office na makakagawa ng 700 na plaka sa loob lamang ng isang oras.
Sa kabila nito, nag-abiso si Rojas sa mga motorista na hindi pa nakakakuha ng dating plaka na ugaliing dalhin ang Authority to Use Improvised Plates upang walang malabag na batas.
Samantala, unti-unti na rin aniyang dumadating ang mga plakang simula pa sa backlog noong 2015.