LEGAZPI CITY – Kumpiyansa ang Anti-Red Tape Authority (ARTA) na malaki ang maitutulong ng anti-red tape powers na igagawad kay Pangulong Rodrigo Duterte sakaling ganap nang maisabatas ang panukalang batas hinggil dito.
Pinasalamatan ni ARTA Director General Atty. Jeremiah Belgica ang Senado sa pagpasa sa ikatlo at huling pagbasa ng Senate Bill (SB) No. 1844 na nagbibigay ng kapangyarihan sa pangulo na mabilis na maproseso ang issuance ng national and local government permits, lisensiya at sertipikasyon tuwing may national emergency.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Belgica, recommendatory ang kasalukuyang kapangyarihan ng ARTA na pagtanggal sa maraming requirements subalit kung maisabatas na, magiging holistic approach sa sistema gaya na lamang ngayong pandemic.
Nilinaw naman ni Belgica na hindi mawawala ang function ng ARTA kung maisabatas na subalit magpapatuloy pa rin.
May enforcement power ang ARTA sa pag-iimbestiga at pagsasampa ng kaso sa mga sangkot sa red tape, humihingi ng additional requirement na wala sa listahan at maging sa mga fixer.
Sa ilalim ng special power, hindi lamang sa criminal liability mahaharap ang anumang government office na mapapatunayang sangkot sa red tape kundi maging sa administrative liability.