-- Advertisements --
ACT CIS REP NINA TADURAN
ACT CIS REP NINA TADURAN/ FB image

Walang nakikitang mali si ACT-CIS Party-list Rep. Niña Taduran na pabilisan ang paggawad ng presidential pardon para sa mga matatanda at may sakit na mga bilanggo.

Binigyan-diin ni Taduran na kabilang ito sa kapangyarihan na mayroon ang isang presidente na naaayon sa legal procedures.

“The President’s statement is consistent with what is practiced by civilized societies all over the world,” ani Taduran.

Gayunman, iginiit ng kongresista na dapat strikto ang pagsunod sa proseso sa pagbibigay ng presidential pardons upang maiwasan ang pagkakamaling ginawa ng Bureau of Corrections sa pagpapalaya sa aniya’y “underserving” prisoners sa ilalim ng GCTA (Good Conduct Time Allowance) Law.

Ang Board of Pardons and Parole aniya ang nagsusumite ng listahan ng mga bilanggo na “eligible” para sa presidential pardon na kadalasan ay kinabibilangan ng mga matatanda at may sakit.

Naniniwala si Taduran na bagama’t nais pabilisan ng Pangulo ang paggawad ng presidential pardon, natitiyak naman daw niya na ayaw nito na maisama sa listahan ang mga nagsasakit-sakitan lamang at ang mga matatandang nagpapatakbo ng drug empire sa loob ng bilangguan.