Isinusulong ngayon ng isang mambabatas ang paggawad ng special economic powers kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ay upang makontrol ang hoarding ng essential items, mapangasiwaan ang problema sa transportasyon, maimbestigahan ang market abuse sa energy sector at mapalawig ang pautang sa mga negosyo na gumagawa ng essential goods.
Sa pakikipag-usap ni Albay 2nd district Rep. Jose Ma. Salceda kay presumptive House speaker at Leyte 1st district Rep. Ferdinand Martin Romualdez, kaniyang inirekomenda ang “Bayan Bangon Muli (BBM)” package para mabigyan ng special powers ang pangulo sa layong mapababa ang kinakaharap na mataas na presyo ng mga bilihin sa bansa.
Ang naturang proposal ay magtatagal ng 18 buwan at sa panahon na ito, magkakaroon ng anti-hoarding powers si Pangulong Bongbong Marcos gayundin sa pagbibigay ng insentibo sa produksyon at pagbibigay ng loans sa mga supplier ng essential goods at anti-price -gouging powers para mapigilan ang economic impact na naitala na sa kasalukuyan dahil sa mataas na inflation rate.
Ayon kay Salceda ang year-on-year inflation rate o bilis ng pagtaas ng mga bilihin ay pumalo sa 6.1% na siyang pinakamataas na mula noong Nobiyembre 2018 kung saan napakaliit aniya ng indikasyon na ito bababa sa mga susunod na buwan.
Sa natura ding proposal mabibigyan ng transport emergency powers ang pangulo at pag-mobilize sa Armed Forces para ma-expedite ang mga programa.
Nais di ng mambabatas na magkaroon ng motu propio powers o agad na pag-aksyon ng walang formal request mula sa ibang partido para sa Department of Energy (DOE), Philippine Competition Commission (PhCC), at Department of Trade and Industry (DTI) para imbestigahan ang posibleng market abuse sa energy at essential goods sector.