Rehabilitasyon at hindi suspensyon ng reclamation ang kailangang gawin para mapangalagaan ang Marine Life sa Manila Bay.
Ayon kay Dr. Edgardo Alabastro, Chief Executive Officer ng Technotrix Integrated Services Corporation, sa bawat araw na nakatiwangwang ang proyekto , unti-unti aniyang gumuguho ang lupang tinambak dahil hindi pa nakalatag ang mga istrukturang pipigil sa hampas ng malakas na alon.
Iginiit din ni Dr. Alabastro ang agarang rehabilitasyon sa Manila Bay sa halip na patagalin ang suspensyon ng proyekto.
Nagbabala rin si Dr. Alabastro na ang mga nakatambak na basura at baradong estero sa paligid ng Metro Manila ang dahilan kung bakit bumabaha sa NCR sa tuwing umuulan.
Batay sa mga pag-aaral ng mga dalubhasa tulad ni urban planning expert na si Architect Jun Palafox at si DOST Secretary Renato Solidum Jr. , inihayag nila na malaking bentahe sa kalikasan at kaligtasan ng mga mamamayan ang island-type reclamation kapag tama ang pagkagawa.
Anila, magsisilbi kasi itong pader na panangga sa malakas na hampas ng alon sa tuwing masama ang panahon.
Aminado rin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na bumaba sa 51,300 MPN per 100 milliliters ang antas ng fecal coliform sa Manila Bay mula sa dating 126,000 mula nang sumipa ang tatlong reclamation projects sa Manila batay sa datos ng Manila Bay Coordinating Office (MBCO).
Nanghihinayang din aniya siya sa pagkakataong pinalipas ng pamahalaan na hindi na sana kailangan pang mangutang para tustusan ang mga makabuluhang proyekto ng gobyerno.