CAGAYAN DE ORO CITY – Pangungunahan ni Task Force Bangon Marawi (TFBM) Chairperson Eduardo Del Rosario ang paggunita ng ikalawang taong anibersaryo ng Marawi Siege sa Mayo 23 nitong taon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo, sinabi ni Del Rosario na maraming aktibidad ang kanilang inihanda para sa nasabing okasyon.
Kabilang na rito ang pagtitipon kasama ang civil society groups at Marawi sultanate league.
Gustong malaman ni Sec. Del Rosario kung ano ang kanilang maitutulong pa para mapabilis ang rehabilitasyon ng nasabing lungsod na winasak ng giyera matapos na sakupin ng Maute-ISIS inspired groups.
Samantala ang okasyon ay dadaluhan din ng nasa 40 mga kasapi ng international media.
Ayon kay Del Rosario dapat malaman ng international community na hindi nagpapabaya ang pamahalaan sa nagpapatuloy na pagbangon ng Marawi.
Subalit hindi nito kinumpirma ang posibleng pagdalo ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Muli nitong iginiit na “on-track” ang rehabilitasyon at matatapos ito sa December 2021.
Kanyang nilinaw na ang clearing operations lamang sa hindi sumabog na mga bomba sa ground zero ang nagiging hadlang sa kanilang mga gawain.
Ngunit sinabi nito na sisimulan ang vertical construction ng mga proyekto sa buwan ng September o kaya’y Oktubre nitong taon.