Dinagsa ng libu-libong mga Katoliko ang simbahan ng Baclaran o Pambansang Dambana ng Ina ng Laging Saklolo ngayong Miyerkules ng Abo.
Kapansin-pansin ang dami ng mga nagsipagsimba na tinatayang aabot sa higit walong libong katao base sa ibinahagi ng pamunuan ng simbahan.
Makikita din na mayroong mga nakahilerang madre at ilang lingkod-simbahan na agarang nagpapahid ng abo sa tuwing daraan ang mga papasok sa loob ng dambana.
Ayon sa mismong rektor ng National Shrine of Our Mother of Perpetual Help na si Rev. Fr. Rico John Bilangel, C.Ss.R. ang araw na ito ang siyang hudyat sa pagsisimula ng kuwaresma na 40-araw paghahanda at paglalakbay patungo sa pag-alala ng pagpapakasakit ng Panginoong Hesus.
‘Yung Ash Wednesday po Miyerkules ng Abo o yung hudyat o simula ng Kuwaresma yung 40-araw ng paghahanda atp paglalakbay patungo duon sa pagpapakasakit, kamatayan at muling pagkabuhay ng ating Panginoong Hesus,’ ani Rev. Fr. Rico John Bilangel, C.Ss.R. ng National Shrine of our Mother of Perpetual Help.
Ibinahagi din ng naturang rektor na ang mga ginagamit na abong ipinapahid sa mga noo ay galing sa mga sinunog na lumang palaspas noong nakaraang taon.
Maliban sa pagbabalik loob, aniya’y layunin din ng araw na ito ang pagpapahayag ng bawat isa sa pananagutan bilang mga Kristiyano.
Ang skedyul ng mga ipinagdiriwang na misa ay tuloy-tuloy simula alas-singko ng umaga hanggang alas-sais ng gabi. Habang ang pagbabasbas naman at pagpapahid ng abo sa noo ay hanggang alas-ocho lamang ang huling oras ng pagsasagawa.