Walang naitalang anumang mga untoward incidents sa ibat-ibang simbahan sa Kalakhang Maynila sa paggunita ng Semana Santa.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) director, CSupt. Oscar Albayalde na generally peaceful ang naging paggunita sa Holy Week.
Ito ay batay sa kanilang kabuuang monitoring.
Sinabi ni Albayalde na wala silang naitalang mga minor crimes o anumang mga insidente sa mga simbahan.
Giit ni Albayalde na wala ding report na isinumite ang ibat ibang district police offices sa Metro Manila.
Aniya, buhos ang kanilang idineploy na mga pulis sa ibat ibang simbahan para panatilihin na maging maayos at mapayapa ang paggunit ng Semana Santa.
Naghahanda rin sa ngayon ang NCRPO para sa buhos ng mga pasahero na magsisibalikan sa Metro Manila mula sa mga probinsiya partikular dito ang mga bus terminal, seaports at airports.
Nananatili pa rin sa full alert status ang NCRPO kahit tapos na ang Holy Week, ito ay dahil sa nakatakdang Association of Southeast Asian Nations Summit ngayong buwan ng Abril.